Nadagdagan pa at umakyat na sa 27 ang mga nasawi sa nangyaring landslide sa Maco, Davao de Oro matapos na makakuha pa mga bangkay na natabunan ng lupa nitong Biyernes ng hapon.
Sa ulat ni John Calonia sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes ng gabi, sinabi ng provincial government at Maco Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office (MDRRMO), na 89 katao pa ang nawawala at 32 ang sugatan sa kanilang talaan hanggang 6 p.m. nitong February 9.
Pinalawig ang 14-hour extension sa search and rescue operations makaraang may masagip na buhay na babae na tatlong taong gulang kaninang umaga.
Inihayag ng provincial government na "stable" ang kalagayan ng bata na inoobserbahan sa ospital.
“A miraculous little girl survived the landslide that hit Zone 1, Barangay Masara, Maco. This girl was rescued this morning during an ongoing search, rescue, and retrieval operation by our responders,” ayon sa inilabas na pahayag.
“So far, this child’s condition is confirmed to be stable after receiving proper medical attention by doctors and nurses at the hospital,” dagdag nito.
Sa hiwalay na ulat ni RGil Relator ng GMA Regional TV One Mindanao sa GMA News Saksi, sinabing kabilang sa mga nakuhang bangkay nitong Biyernes ng hapon ay nakuha sa natabunang panaderya sa lugar.
Malaking tulong umano ang K-9 o aso ng Coast Guard sa paghahanap sa mga natabunan sa lupa.
Ang mga nakukuhang bangkay, dinadala sa isang punerarya sa kalapit na bayan ng Mawab. Dito, nagsasagawa ang identification at post mortem stage sa mga biktima sa pangunguna ng National Bureau of Investigation.
Pagkatapos nito, isa-isang tatawagin ang mga naghihintay na kaanak upang kilalanin ang bangkay.
Ipagpapatuloy sa Sabado ng umaga ang paghahanap sa mga biktima.—FRJ, GMA Integrated News