Nagdeklara si Pastor Apollo Quiboloy ng religious group na Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na hindi siya haharap sa pagdinig ng Senado kahit pa padalhan siya ng subpoena. Kaugnay ito ng mga alegasyon ng mga nagpakilala na dati niyang miyembro na kaniya umanong inabuso.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang video na galing sa SMNI Network, na isa-isang pinasinungaling ni Quiboloy ang mga akusasyon ng mga testigong humarap sa pagdinig ng ng Senate committee on women and children na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros.
Sa naturang pagdinig nitong Martes, inakusahan si Quiboloy ng pang-aabuso ng mga dati umano niyang miyembro, na dalawa sa kanila ay mula sa Ukraine.
"Kahit sino puwedeng gumawa ng ganong alegasyon. Sapagkat wala naman silang sasagutin pa kasi under sila sa inyong Senate hearing. After ng hearing na iyan talagang mananagot po sila sa batas, sa mga false allegations lalo na ang reputasyon ko po ang nakataya dito," sabi ni Quiboloy.
"Lahat ng mga false accusations na ginagawa pa, kahit sino puwede kayong pumik-up ng isang witness at pagkatapos tabunan ang mukha, pagkatapos gawin ninyong alias, kahit ano na lang ang pinagsasabi niya doon, wala ba siyang sasagutin?," patuloy niya.
Ayon kay Quiboloy, handa niyang sagutin at harapin ang mga nag-aakusa sa kaniya sa "court of law."
"Kahit 100 pang witnesses ang inyo pong bayaran I will face you anytime, anywhere in a court of law. Just do it and I will face you anywhere, anytime in a court of law. If you cannot do that then you are all bogus, you are all false and you don't deserve my respect," sabi nito.
Binanggit din ni Quiboloy ang patungkol sa mga alegasyon sa kaniya sa Amerika na dahilan para ilagay siya sa wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI) para sa mga kasong rape, human trafficking at iba pa.
"Kahit po sa Amerika, it is the same scenario as it is here. Inakusahan din ako doon ng maraming mga former workers daw iyon pero puro pagsisinungaling," ani Quiboloy. "Ngayon, nahihirapan silang humarap sapagkat puro po kasinungalingan. Kailangan malaman natin ang katotohanan dito, not in your Senate hearing but in a court of law."
Ang abogado ni Quiboloy na si Atty. Ferdinand Topacio, kinuwestiyon ang ginagawang pagdinig ng komite na kontrolado ni Hontiveros.
"Walang makapagkuwestiyon sa kaniya, she cannot be held in any other place liable for any of her acts. Walang right to counsel doon na magsalita yung counsel," ayon kay Topacio.
Sinabi naman ni Hontiveros, na maghahanda pa rin ang Senado sa pagharap ni Quiboloy at sa iba pang mga hakbang laban sa lider ng KOJC.
"Siya ang sentro ng mga paratang ng mga biktima kaya siya ang dapat sumagot. Because we're also looking at the Department of Justice issuing a immigration lookout bulletin order or hold departure order," anang mambabatas.
Sa huling pahayag ng DOJ, wala pang ipinadadalang extradition request ang FBI na patungkol sa posibleng pagdakip kay Quiboloy at ipadala ito sa Amerika upang paharapin sa paglilitis ng korte. --FRJ, GMA Integrated News