Inihayag ng bagong kalihim ng Department of Finance (DOF) na si Ralph Recto na hindi ngayon ang tamang panahon para magpataw ng bagong buwis. Wala rin siyang planong na taasan ang buwis ng mga sweetened beverages at junk food.
"Frankly speaking, there are no plans on imposing additional new taxes," sabi ni Recto sa press briefing nitong Miyerkules.
Paliwanag niya, makakaapekto sa inflation ang dagdag na buwis kaya sa kasalukuyang sitwasyon, "I don't think now is the time to impose."
"Our first job is to collect what is on the table," sabi ni Recto kaugnay sa target na makakolekta ng P4.3 trilyong ngayong taon nang walang bagong buwis na ipinapataw.
Tinukoy ni Recto na kailangang pagbutihin ang koleksyon gaya ng pagpapabilis ng implementasyon ng Ease of Paying Taxes, digitalization initiatives ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC), at pagpapaigting ng kampanya laban sa korupsyon para makolekta ang dapat na buwis.
Bagaman walang plano si Recto na magpataw ng bagong buwis, isusulong naman niya na maipasa ang panukalang batas tungkol sa buwis na itinutulak ng pinalitan niyang Finance secretary na si Benjamin Diokno.
"[B]ut we will refine them. In fact, we are putting a lot of work in the few days," sabi ni Recto, na magsusumite umano ng "fine-tuned" proposals sa Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).
"We're tweaking them… so the fine-tuning we are doing is… it is fairer, easy to collect, practical," dagdag ni Recto.
Kabilang sa mga tax measure na inirekomenda noon ni Diokno ang Package 3 ng Comprehensive Tax Reform Program (CTRP), o Real Property Valuation and Assessment Reform (RPVAR), Package 4 ng CTRP o ang Passive Income and Financial Intermediaries Taxation Act (PIFITA), pati na ang rationalization ng mining fiscal regime at Motor Vehicle Road User's Tax (MVRUT).
Ayon kay Recto, magkakaroon ng pagbabago sa mungkahing MVRUT, "Because I think that, you know, motorists pay a lot of taxes… there are excise taxes and (value-added tax) on oil, there are excise taxes, duties, and VAT on vehicles."
Kasama rin sa iminungkahi ni Diokno na itaas ang excise taxes sa sweetened beverages at junk food, at single-use plastics (SUPs).
Pero nilinaw ni Recto na ibinasura na ng dating Finance chief ang naturang taas-buwis sa sweetened beverages at junk food kaya hindi na niya muling bubuhayin.
"I don't intend to put it back. The Executive did not prepare a bill anyway, I'm not considering it… inflation is high," paliwanag niya.— mula sa ulat niTed Cordero/FRJ, GMA Integrated News