Emosyonal ang dating TV host na si Robert Alejandro, na walong taon nang lumalaban sa colon cancer, matapos tangayin umano ng kaniyang caregiver ang halos P3 milyon niyang life savings.
"Nagpapasalamat ako na buhay pa ako," naiiyak na sabi ni Alejandro sa ulat ni Jonathan Andal sa Balitanghali nitong Martes.
“Nakikita naman niya ang kalagayan ko, ‘yung hirap na hirap kami mabuhay, tapos ito ang gagawin. Kailangan ko iyon para sa ospital. Buti kung healthy pa ako, puwede pa ako magtrabaho para mag-ipon pa," dagdag pa ni Alejandro, na mas kilala bilang si “Kuya Robert” sa kaniyang programa noon sa GMA-7 na “Art Is Kool.”
Natuklasan na nawawala ang pera ni Alejandro noong Disyembre 17.
Ayon sa kaniyang bangko, nanggaling naman mula sa kaniyang cellphone ang lahat ng transaksyon.
Ngunit hinala ni Alejandro, pinakikialaman ng kaniyang caregiver ang kaniyang cellphone habang natutulog siya.
Matapos humingi ng tulong sa pulisya, napag-alaman na nagpapadala ng pera ang caregiver sa mga ahente ng e-sabong.
Ayon kay Police Captain Anthony Dacquel, Quezon City Police District 14 chief investigator, nakita nila ang numero at kinumpirma ng mga ahente na nagpapadala sa kanila ng pera ang suspek, kaya lalagyan naman nila ng load ang e-sabong account ng suspek.
Kinilala ang caregiver na si Deo Angeles, na dalawang buwan pa lamang inaalagaan si Alejandro.
"Gusto kong sabihin sa kaniya, huwag na niyang gawin 'to. Hindi lang siya kumukuha ng pera kundi pati ‘yung buhay ng dapat niyang alagaan. Napakasama," sabi ni Alejandro.
Pinuntahan ng GMA Integrated News ang bahay ng suspek para kunin ang kaniyang panig, ngunit hindi ito humarap sa media. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News