Arestado ang isang lalaki sa Pasay City matapos siyang magpanggap bilang abogado.
Ito ay matapos makapagbayad na ng mahigit P500,000 ang kanyang biktima, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes.
Kinilala ang suspek na si Robert P. Garcia.
Ang pakilala niya sa biktima, siya ay si Atty. Robert SP Garcia.
Sa Lawyers' List ng Korte Suprema, walang Robert SP Garcia o Robert P. Garcia na nasa listahan as of January 20, 2024.
Ayon sa biktima na tumangging magpakilala, may nag-refer sa kanya sa suspek noong naghahanap siya ng abogado para sa isang kaso.
"Mayroon po kasi kaming idinemanda dito sa area po namin sa Binangonan. Nag-ask ako sa mga kakilala ko. Mayroon akong kakilala na ni-refer naman 'to," aniya.
"Ang dami niyang hinihinging binayaran. Umabot po kami ng P541,000, bayad daw po sa fiscal. 'Yung appearance fee din niya po, P60,000," dagdag niya.
"Tapos nu'ng December po, nag-request po siya ng pangalawang appearance fee niya. P120,000 naman po 'yun which is binayaran na lang po namin ng kalahati," kuwento niya.
Ang suspek daw ang humarap sa mga preliminary investigation sa kasong isinampa. Apat na beses daw itong humarap sa piskal.
Nagduda na ang biktima nang humingi ang suspek ng Christmas gift.
"Christmas gift po na worth P60,000. Tapos umalma po ako. Bumaba 'yun ng 30 [thousand], hanggang sa naging 20 [thousand], pero hindi po ako nagbigay. Tapos pina-check ko na po siya sa ibang abogado. Nagpa-second opinion na po kami," sabi ng biktima.
Dito na niya nalaman na peke pala ang maraming dokumentong ipinakita ng suspek, pati na ang mga pinanotaryo nito at mga ID.
"Hindi kasi namin alam na ganoon 'yung proseso ng pag-filing ng case kaya sige lang po nang sige," dagdag ng biktima.
Ang pagbibigay ng kalahati ng second acceptance fee ang naging daan para ma-corner ang suspek.
Mismong ang biktima, sa tulong ng mga pulis, ang umaresto sa suspek sa isang coffee shop sa Pasay City.
Umamin naman ang suspek na hindi siya nakapasa sa Bar examination.
"Oo, nag-aral po ako ng Law pero hindi po ako nakapasa sa Bar," aniya.
Nagpakilala raw siya sa biktima bilang consultant at hindi abogado.
Pero hindi lang daw siya ang nakinabang sa nangyari.
"'Yung nag-refer sa akin, meron din po 'yung ano, bibigyan din po doon," ani suspek.
"Magaling lang daw ito magsalita e. Magaling magsuot. Akala mo talaga, lawyer. Kaya 'yon, napaniwala ito ngayon na complainant natin. Kinasuhan natin siya ng swindling, estafa," ani Police Captain Dennis Desalisa, hepe ng Pasay City Police Investigation Section. —KG, GMA Integrated News