Nabulabog ang isang mag-ina matapos salakayin at gamitan ng mga pulis ng mga pampasabog ang kanilang bahay na inakalang tinitirahan pa ng isang suspek na may mga armas sa Ohio, USA. Ang sanggol na may special needs, nahirapan umanong huminga dahil sa mga flash-bang na ginamit ng pulisya.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood ang body cam footage ng pagsalakay ng pulisya mula sa Elyria Police Department sa Ohio sa naturang bahay.
Ihahain sana nila ang search warrant sa isang suspek na nakatira sa bahay dahil sa pagtatago umano nito ng mga armas na ginagamit sa pagnanakaw.
Kinalampag ng pulisya ang pinto ng bahay nang ilang beses ngunit walang nagbubukas nito.
Ilang saglit pa, narinig na ang isang pagsabog, na sinabayan ng pagbasag ng isang pulis sa bintana ng bahay.
Isang babae naman ang maririnig na sumigaw matapos puwersahang buksan ng mga awtoridad ang pinto ng bahay.
Kinilala ang babae sa loob ng bahay na si Courtney Price, na pinosasan matapos siyang palabasin ng bahay.
Maya-maya pa, dumiretso ang pulisya sa loob para halughugin ang bahay. Gayunman, wala silang anumang nakitang mga armas sa loob.
Hindi rin nila nakita sa bahay ang suspek na kanilang hinahanap.
Nagkamali pala ang mga pulis ng ni-raid nilang bahay.
Sinabi ni Price na wala pa silang isang taon na nangungupahan sa naturang bahay.
Ang suspek na hinahanap ng mga awtoridad ang dating tenant sa bahay na mahigit isang taon na umano roong hindi nakikita.
Nangamba si Price para sa kaniyang kaligtasan at ng kaniyang sanggol na may special needs kaya niya hindi binubuksan ang pinto.
Dinala sa ospital ang kaniyang baby matapos mahirapan umanong huminga dahil sa mga flash-bang na ginamit ng mga awtoridad.
"We were told that he needed more liters of oxygen, his ventilator needed to be turned up. He had chemical pneumonitis, which is inflammation of the lungs and irritation of the lungs. He had a chemical reaction in and around his eyes," sabi ni Price.
Pagtatanggol naman ng Elyria Police Department, walang kemikal ang ginamit nilang flash-bangs, at sa labas lang din ng bahay nila ito ginamit.
Ngunit sa video, makikita ang isang pulis na may ginamit na pampasabog para basagin ang bintana ng bahay.
"Any allegation suggesting the child was exposed to chemical agents, lack of medical attention or negligence is not true," sabi ng Elyria Police Department.
Nag-utos na ang mayor ng Ohio sa mga awtoridad na magsagawa ng imbestigasyon tungkol sa insidente.— VBL, GMA Integrated News
Mga pulis, nagkamali ng ni-raid na bahay sa Ohio; baby na may special needs napahamak umano
Enero 19, 2024 3:10pm GMT+08:00