Sa programang "Unang Hirit," sinabi ng isang opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na puwedeng tayaan ang lahat ng kombinasyon ng numero sa lotto para tiyak ang panalo pero may posibilidad na "malugi" pa rin ang tumama.
Sa magkasunod na araw, dalawang mananaya ang parehong nakasalo ng lotto jackpot na mahigit na tig-P600 milyon ang premyo.
Isa ang nanalo ng mahigit P640-M jackpot sa Super Lotto 6/49 nitong Martes, habang isang mananaya rin ang masuwerteng nasolo ang mahigit P698-M jackpot sa Grand Lotto 6/55 draw nitong Miyerkules.
Sa laki ng mga premyo, tinanong si PCSO General Manager Mel Robles na kung mayaman ang isang mananaya, puwede ba niyang tayaan ang lahat ng kombinasyon sa lotto para tiyak ang kaniyang panalo?
Ayon kay Robles, puwedeng tayaan ang lahat ng kombinasyon sa lotto para tiyak ang kaniyang panalo.
Paliwanag niya, sa Lotto 6/58, mayroon itong 40 milyon na odds o tiyansang manalo. Kung tatayaan ang 40 milyon na kombinasyon ng mga numero sa halagang P20 ang bawat isa, magkakahalaga ang kabuuang taya ng P800 milyon.
"Tatamaan niyo ho 'yan sigurado," ani Robles. "Iyan ginagawa siguro kung one billion [pesos na ang jackpot]."
Pero mas maganda umano ang sitwasyon sa Lotto 6/49 na kamakailan ay umabot sa mahigit P600 milyon ang premyo.
Ayon kay Robles, ang odds o kombinasyon ng mga numero na puwedeng tayaan sa naturang laro ay 14 milyon. Sa halagang P20 sa bawat taya, aabot ang kabuuang taya sa P280 milyon.
Kaya kahit malaki ang taya, panalo naman ang mananaya kung mahigit P600 milyon ang jackpot prize.
Gayunman, sinabi ni Robles na malulugi ang tumaya ng lahat ng kombinasyon kung may kasama siya na ibang nanalo.
"Kung may nakahati ka [na dalawa], lugi ka," paliwanag ng opisyal.
Binigyan-diin ni Robles na game of chance ang lotto.
Ipinayo rin ng opisyal na gumamit ng ibang paraan sa pagpili ng numerong tatayaan at huwag puro birth date lang.-- FRJ, GMA Integrated News