Tinanggal na sa serbisyo si Police Major Allan de Castro, ang umano'y karelasyon ng nawawalang beauty queen ng Tuy, Batangas na si Catherine Camilon, ayon sa Police Regional Office 4A (PRO 4A).
Nitong Huwebes, sinabi ni PRO 4A chief Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas, na epektibo ang pagsibak sa trabaho kay de Castro, nitong Enero 16.
Iniuugnay si de Castro sa pagkawala ni Camilon, na huling namataan sa isang mall sa bayan sa Batangas noong Oktubre 12, 2023.
Batay sa mga nakalap na impormasyon ng pulisya, si de Castro ang kakatagpuin ni Camilon nang araw na mawala ito.
Gayunman, itinanggi ni de Castro sa mga imbestigador na may nalalaman siya sa pagkawala ni Camilon, na isa ring guro.
“Today, I would like to announce the dismissal of Police Major Allan de Castro from the PNP service effective January 16, 2024, signed by me, following an extensive investigation conducted by our Regional Internal Affairs Service 4A,” sabi ni Lucas sa isang press briefing.
Ayon kay Lucas, ang pagsibak kay de Castro sa serbisyo ay dahil sa "conduct unbecoming of a police officer," dahil sa pakikipagrelasyon niya kay Camilon kahit mayroon na siyang pamilya.
Bunga nito, hindi na makatatanggap ng mga benepisyo si de Castro sa kaniyang pagiging dating pulis.
Sinampahan din si de Castro ng reklamong kidnapping at serious illegal detention, kasama ang kaniyang driver-bodyguard na si Jeffrey Magpantay, at dalawang "John Does" na konektado sa pagkawala ni Camilon.
Kusang sumuko kamakailan lang si Magpantay sa mga awtoridad kaya umaasa ang mga pamilya ni Camilon na magkakaroon na ng linaw ang pagkawala ng biktima.
Hindi naman masabi niCriminal Investigation and Detection Group (CIDG) 4A deputy chief Police Major Nilo Morallos, kung buhay pa o patay na si Camilon.
"We are hoping for the best, pero we are expecting the worst. Sa flow po ng investigation namin hindi namin masasabi kung wala na talaga," anang opisyal.
Batay sa pahayag ng saksi, nakita nila si Magpantay na nagmamando sa dalawang lalaki na may buhat na babaeng duguan at walang malay na inililipat ng sasakyan.—FRJ, GMA Integrated News