Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa panganib na maaaring idulot ng paggamit ng intravenous (IV) glutathione na hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA). Bagaman puputi ang balat, maaari naman nitong siraan ang kidney o bato ng tao.
“IV glutathione will whiten your skin and make you look really like caucasian, but it can damage your kidneys and kill you,” ayon kay Health Secretary Ted Herbosa sa Kapihan forum nitong Miyerkules.
Sinabi ng kalihim na ginagamit ang IV glutathione sa mga ospital bilang rescue medicine para sa chemotherapeutic complications sa cancer.
“I’m telling you from the Department of Health. It is not safe. The FDA has not registered it for skin whitening. If there’s someone using it, it is illegal,” papaalala ni Herbosa.
Binanggit din ng kalihim ang isang ulat tungkol sa isang babae na nasawi matapos tumanggap umano ng glutathione at stem cell intravenous infusion mula sa isang klinika sa Quezon City.
“The point is a 36-year-old woman died when she shouldn't have died. This is a preventable death and we need to act on this,” giit niya.
Sinabi ni Herbosa na inatasan na niya ang regional office na alamin kung lisensiyado ang klinika na magsagawa ng naturang procedure.
Paulit-ulit nang naglabas ng babala ang FDA sa publiko patungkol sa panganib na maaaring idulot ng injectable lightening agents gaya ng glutathione, na aprubado lang gamitin para sa cisplatin chemotherapy.
Nababahala ang FDA na may mga health at beauty salons, wellness spas, at beauty clinics na nag-aalok ng intravenous drip o infusion gamit ang skin lightening agents kabilang ang glutathione, vitamin C, at iba pang injections.
“To date there are no published clinical trials that have evaluated the use of injectable glutathione for skin lightening. There are also no published guidelines for appropriate dosing regimens and duration of treatment. The FDA has not approved any injectable products for skin lightening,” ayon sa FDA.
Ayon sa FDA, kabilang sa side effects ng injectable glutathione ay pagkalason sa atay, bato, at nervous system.
May peligro rin umano ng transmission ng HIV at hepatitis C at B kung hindi medical practitioner ang magsasagawa ng procedure at non-sterile ang pasilidad. —FRJ, GMA Integrated News