Maaksyon ang naging paghuli ng mga pulis sa isang lalaki na nang holdap umano sa isang jeep sa Santa Mesa, Maynila. Ang suspek, tila nakipagpatintero pa at muntik makatakas, bago nahuli matapos mabaril sa binti.

Sa ulat ni Nico Waje sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita ang paghambalang ng isang jeep sa Ramon Magsaysay Boulevard na sakop ng Barangay 634.

May holdaper sa loob ng jeep habang pinaliligiran ng mga pulis ang sasakyan.

Ilang saglit pa, isang pulis na may riot shield ang lumapit sa bintana ng jeep at sinundot ang suspek, na sinabayan ng pagbatuta ng isa pang pulis.

Isa pang pulis ang nakaabang sa tapat ng pintuan ng jeep at tinututukan ng baril ang holdaper.

Sa kabila ng dami ng mga nakapalibot na pulis, nakalabas pa rin ang suspek sa sasakyan.

Dito na pinaputukan ng mga pulis ang suspek.

Hindi na nakunan ang mga sumunod na insidente sa video ngunit sinabi ng Manila Police District na nahuli na ang suspek, na kasalukuyang nasa ospital matapos magtamo ng tama ng bala sa binti.

Base sa salaysay ng driver ng jeep na tumangging magpakilala, mag-5 p.m. ng Biyernes nang biglang sumakay sa jeep ang suspek.

"Noong una, kaii-stop lang po namin dito sa may J.P. Rizal. Tapos sinaktuhan niya ng pag-go, alam mo 'yung akto na bigla siyang sumabit. Pagkasabit niya sa jeep, dumiretso siya sa akin, sa may leeg ko po na may patalim siya. Sabi niya 'Pre holdap 'to, dumiretso ka lang,'" kuwento ng jeepney driver.

May limang pasahero noon ang jeep, kabilang ang mga matanda at bata.

"Naawa rin po ako, nag-iiyakan na sila sa estribo ko, sa akin lang siya nakatutok. Sabi niya, 'idiretso mo, idiretso mo.' Sabi ko 'Sige kuya okay lang, ididiretso ko lang, ibibigay ko 'yung gusto mo, huwag mo lang kaming saktan,'" sabi ng jeepney driver.

Dalawang dekada nang nagmamaneho ng jeep ang biktima kaya kabisado na niya ang kahabaan ng Ramon Magsaysay Boulevard at nang ma-holdap, hindi siya nataranta at alam ang gagawin.

Ibinalagbag ng jeepney driver ang sasakyan sa U-turn slot kung saan may estasyon ng pulis.


Sinabi ng MPD na nang-uunday ng patalim ang suspek noong hinuhuli nila ito kaya nang tinangka nitong tumakas, binaril na siya ng isang pulis sa binti.

Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng suspek, na walang maipakitang ID at ayaw magsalita.

Nakuha mula sa kaniya ang kitchen knife na ginamit niya sa pangho-holdap. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News