Hinihinala ni Senador Imee Marcos na galing mismo sa "loob" ang umano'y destabilization plot laban sa liderato ng kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabi ni Imee na napag-uusapan nila ng kaniyang kapatid ang tungkol sa umano'y planong gulihin ang gobyerno.
Gayunman, tila hindi naman daw naniniwala rito ang pangulo.
"Nababanggit, pero hindi naman siya masyadong naniniwala, at palagay ko maraming destab pero galing mismo sa loob," pahayag ng senadora.
Sinabi rin ni Imee na nanghihinayang siya kung magkakaroon ng gusot sa koalisyon ng administrasyon.
"Nanghihinayang ako na talaga namang ang ayos-ayos na sana kung 'UniTeam.' Wala nang alitan. Ang tapang-tapang ng mga Duterte hindi naman nakikipag-away. Bakit natin ginugulo? Aba'y iba na ang pakay niyan," paliwanag niya.
Nabuo ang UniTeam sa tambalan nina Pres. Marcos at vice president Sara Duterte nang magsanib-puwersa sila noong 2022 elections.
Sinusubukan ng GMA News Online na makuha ang komento ng Malacañang tungkol sa isyu.
Ayon kay Sen. Imee, nagbigay na siya ng payo sa kaniyang kapatid, at nagbabala ang senadora sa mga may nagbabalak na masama laban sa administasyong Marcos.
"Palagay ko naman hindi puwede ang sistemang ganito. Mabait ang kapatid ko pero mahirap magalit kaya magdahan-dahan sila... Ang brother ko matagal bago magalit kaya ingat," aniya.
Nauna nang itinaggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na may destabilization plots laban sa administrasyon na lumalabas sa social media.
Itinanggi rin ni dating pangulong Rodrigo Duterte, ama ni VP Sara, na nakipagpulong siya sa ilang opisyal ng militar at pulisya, at mga politiko sa harap ng mga bali-balitang destabilization plot. —FRJ, GMA Integrated News