Sinimulan ng pro-Charter change (Cha-cha) group na People’s Initiative for Modernization and Reform Action (PIRMA) ang pagpapalabas ng TV ad na nagsusulong na amyendahan ang 1987 Constitution na nabuo matapos ang EDSA People Power revolution noong 1986.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing ang PIRMA ang siya ring grupo na nagsulong noon ng People's Initiative (PI) sa ilalim ng termino ni dating pangulong Fidel V. Ramos noong 1990s.
“Ang pinayaman ng konstitusyon, mamamakyaw at negosyante. Ang magsasaka, EDSA-pwera. Panahon na para ayusin, i-tama ang hindi patas na 1987 Constitution,” saad sa bahagi ng TV ad.
Sinimulan na ipalabas ang advertisement sa ilang TV stations nitong Martes ng gabi na sinasabing binayaran ng Gana, Atienza, Avisado Law Offices.
“This move is just to invite public discussion. Gusto lang namin ma-involve yung mga tao, mainform yung mga tao. This is also an information campaign,” pahayag ni PIRMA legal counsel Atty. Jomari Basil.
Inilabas ang TV commercial makaraang magpahayag ang ilang mambabatas sa Kamara de Representantes at Senado na isulong muli ang Cha-cha. Kasama sa paraan na iminungkahing gamitin ang PI.
Bukod sa PI, maaari ding amyendahan sa Konstitusyon sa pamamagitan ng Constitutional convention (Con-con), at Constituent Assembly (Con-As).
Kinuwestiyon naman ni Albay Rep. Edcel Lagman, ang paggamit ng katagang “EDSA-Pwera” sa TV commercial, na maaaring paraan umano para siraan ang nangyaring EDSA People Power Revolution na naging daan para mabuo ang 1987 Constitution.
Nais naman ni ACT Teachers Rep. France Castro, na maimbestigahan kung sino ang nagpopondo sa naturang video advertisement.
Pero iginiit ni PIRMA legal counsel Atty. Quinmen Manger na, “Walang public funds na nagamit dito. Lahat ito galing sa private sectors na nagpu-push ng change ng Constitution natin.”
Hinihingan pa ng GMA Integrated News ng pahayag ang pamilya Marcos at Malacañang tungkol dito.
Nais ng PIRMA na PI ang paraan na gamitin para amyendahan ang Saligang Batas.
Sa paraan ng PI, kailangan ang pirma ng nasa 12% ng mga kabuuang botante sa bansa para isulong ang petisyon na nagsasaad ng partikular na probisyon sa Konstitusyon na nais na palitan.
Dapat na makuha sa PI ang tatlong porsiyenteng pirma ng mga rehistradong botante sa bawat distrito.—FRJ, GMA Integrated News