Arestado ang dalawang lalaking sangkot umano sa pagbenta ng mga hindi lisensyadong baril at bala sa mga private army ng mga Tsinong nasa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at ibang negosyo.

Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood ang isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng Southern Police District Special Operations Unit kung saan pinalibutan nila ang isang nakaparadang van sa compound ng isang mall.

Ilang saglit lang, lumabas ang driver, na pinadapa ng mga awtoridad.

Sa isa pang video, isa namang lalaki ang dinakip na kinilalang si alyas "Ivan," lider umano ng Sergeant Ivan Gun Running Group.

Matapos arestuhin si "Ivan," nadakip naman sa Maynila sa kaparehong araw ang kasama niyang si alyas "Daryl."

Nakuha sa kanila ang apat na baril at mahigit 2,000 piraso ng 5.56 mm at iba pang mga bala. Aabot sa P240,000 halaga ng mga ito.

Mga reservist at private security umano sina "Ivan" at "Daryl," base sa informant na nakausap ng Southern Tagalog Police District.

Oktubre pa tinutugis ang kanilang grupo.

Iimbestigahan ang driver na kasama ni "Ivan" kung may alam siya sa transaksiyon ng grupo, dahil ayon sa pulisya, inarkila ni "Ivan" ang kanyang sasakyan.

Posibleng gawing witness ang driver.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga nadakip na suspek. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News