Itinambak na lamang sa gilid ng kalsada sa Kilometer 21 sa Tublay, Benguet ang daan-daang repolyo matapos madismaya ang ilang magsasaka sa napakababang bentahan nito sa pamilihan.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Martes, makikitang nakatambak na lamang ang sandamakmak na repolyo sa kalsada dahil nababaan daw masyado ang mga magsasaka sa wholesale price sa Benguet AgriPinoy Trading Center.
Maaari raw kumuha ng kahit ilang piraso ng repolyo mula sa tambak ang mga taong dumaraan.
Samantala, ibabalik sana sa bayan ng Atok ang isang truck ng labanos dahil wala raw gustong bumili ng mga ito, pero libre na lang itong ipinamigay.
Naglalaro sa P3 hanggang P15 ang presyo kada kilo ng repolyo, depende sa klase, base sa huling monitoring ng Benguet AgriPinoy Trading Center.
Halagang P5 hanggang P18 naman ang wholesale price ng labanos.
Sabi ng alkalde ng La Trinidad, wala silang na-monitor na oversupply ng gulay sa probinsya. Sadyang mababa lang daw ang kuha ng buyers sa Maynila at iba pang lugar. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News