Parehong umangat ang trust at approval ratings nina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr at Vice President Sara Duterte sa resulta ng pinakabagong survey ng Pulse Asia.

Sa naturang survey na isinagawa noong December 3 hanggang 7, 2023, nakakuha si Marcos ng 68% sa approval ratings, at 73% sa trust ratings.

Mas mataas ito sa 65% at 71% na nakuha ng pangulo noong September 2023.

Samantala, 74% at 78% naman ang nakamit ni Duterte sa approval at trust ratings, ayon sa pagkakasunod nitong nakaraang Disyembre.

Mas mataas din ito sa 73%  at 75%  na nakamit niya sa survey noong September 2023.

Nakakuha naman si Senate President Juan Miguel Zubiri, 49% sa approval at 51% trust ratings. Mas mababa ng isang porsiyento ang approval rating ni Zubiri kumpara noong September 2023, pero tumaas ng dalawang porsiyento ang kaniyang trust rating.

Mula naman sa 41% na approval rating noong September 2023 ni Speaker Martin Romualdez, natapyasan ito sa 39% nitong Disyembre. Umangat naman sa 40% ang kaniyang trust rating, mula sa dating 38%.

Ang naturang non-commissioned survey ng Pulse Asia ay isinagawa sa 1,200 adults na may edad 18 pataas, at may ± 2.8% error margin na 95% confidence level.

Samantala, may ± 5.7% error margins naman na 95% confidence level ang survey sa geographic areas na Metro Manila, at nalalabing Luzon, Visayas, at Mindanao.  —FRJ, GMA Integrated News