Nagkamit ng third place ang nakakain at may flavor pa na cutlery na nilikha ng isang grupo ng mga estudyanteng Pinoy sa sustainability category sa Swiss Innovation Prize.
Sa ulat ni Oscar Oida sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nilikha ng grupong Edgetec, na binubuo ng mga civil engineering student ng Technological Institute of the Philippines ang flavored edible cutlery.
Ilan sina Stanley David del Rosario, Elyza Marielle Camiguing at Amiel Salvania sa mga nasa likod ng edible cutlery na may flavors gaya ng ube, vanilla at chocolate.
Bago nito, unang nagawa sa India ang edible cutlery na gawa sa harina.
“Why not add flavors para mag-act siya as a dessert as well after mong kumain, panghimagas,” sabi ni del Rosario.
Maliban sa edible at flavored cutlery, biodegradable rin pati ang lalagyanan nito.
Naniniwala ang grupo ng estudyante na malaki ang maitutulong ng kanilang konsepto sa kalikasan kapag nabigyan ng pagkakataon. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News