Nasawi ang isang 21-anyos na lalaking rider matapos siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkules.
Makikita sa CCTV footage ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo sa bahagi ng Bulusan corner Calamba Street bandang 11 p.m. ng Martes.
Sandaling tumigil ang mga lalaki na tila tumitiyempo bago umikot.
Makalipas ang halos dalawang minuto, bumalik ang mga lalaki sa lugar at nilapitan ang biktima sa Bulusan Street.
Maya-maya pa, tumumba na ang rider sa kalye, na binaril na pala ng mga salarin bago tumakas.
Nagmula naman ang biktimang rider sa N.S. Amoranto Street at lumiko sa Bulusan Street.
Dead on the spot ang rider.
Residente ng Pasay ang biktima, base sa mga identification card na nakuha sa kanyang labi.
Ayon sa pulisya, nagtamo siya ng hindi bababa sa tatlong tama ng bala ng baril sa ulo.
Nabawi ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang dalawang basyo ng bala sa lugar, at dalawang sachet ng umano'y shabu mula sa plastic na nakalagay sa motorsiklo ng biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng QCPD sa posibleng motibo sa krimen. Nakikipag-ugnayan naman ang mga awtoridad sa mga kaanak ng biktima. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News