Tatlong mananaya ang maghahati-hati sa P108 milyong jackpot prize matapos tamaan ang lumabas na mga numero sa lotto 6/42 draw nitong Martes, January 2, 2024. Samantala, ang ?310 milyon jackpot na tinamaan naman ng taga-Quezon City sa SuperLotto 6/49 draw noong nakaraang Disyembre, hindi pa kinukubra.

Sa lotto 6/42 draw nitong Martes, ang lumabas na mga numero ay 04-22-07-10-29-14, at may kabuuang premyo na P108,072,834.

Sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), nakasaad na tatlong mananaya ang nanalo at mahahati-hati sa naturang premyo.

Wala namang nanalo sa kasabay nitong draw na Superlotto 6/49, na ang lumabas na mga numero ay 07-33-42-16-32-05, at umaabot ang premyo sa P510,366,910.40.

Hindi rin tinamaan ang isa pang draw na Ultra Lotto 6/58 na may premyong P49,500,000 para sa lumabas na mga numero na 58-07-40-09-56-29.

Sa pulong balitaan kaninang umaga sa tanggapan ng PCSO,  sinabing kinubra na ng solo winner sa Ultra Lotto 6/58 draw noong December 29 ang napanalunan nitong P571 milyong jackpot.

Sinabi naman ni Leila Galang, Manager, Product and Standard Development ng PCSO, na hindi pa kinukubra ng taga-Quezon City ang napanalunan nitong P310,696,635.40 jackpot para naman sa SuperLotto 6/49 draw noong Dec. 19.

Mayroong isang taon na palugid ang lotto winners para kunin o kubrahin ang kaniyang premyo.-- FRJ, GMA Integrated News