Tatlong batang magkakapatid at isa nilang kaibigan ang nasugatan matapos sumabog ang napulot na paputok ng isa kanila at inilagay sa apoy sa Maynila. Ang isa sa mga bata, nawasak ang isang kamay at kinailangang putulin.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, makikita sa video footage ang mga bata na nasa labas ng bahay sa Sampaloc at nagsiga ng mga papel ilang oras bago ang pagsalubong sa 2024.
Ang isa sa magkakapatid, pumulot ng hindi sumabog na paputok at inilaglag sa apoy. Sinubukan umano ng isang kapatid na patayin ang apoy pero sumabog na ang paputok.
Nasa edad na anim hanggang walo ang mga bata, na pawang dinala sa ospital. Nakalabas na ng pagamutan ang tatlo sa kanila, habang inilipat sa Children's hospital ang batang walong-taong-gulang para putulin ang nawasak niyang isang kamay dahil sa pagsabog.
Hindi pa malinaw kung anong uri ng paputok ang napulot ng bata na sumabog. Pero ayon sa ilang residente, isang paputok lang ang hindi sumabog sa kanilang kalsada na tinatawag na "fake fountain."
Ang isa sa mga bata, inilarawan ang naturang paputok na napulot, "Pabilog po tapos may ano sa taas."
Ayon sa ina ng bata, bago pa man mangyari ang insidente ay pinagsabihan na niya ang anak na huwag pupulot o bibili ng paputok.
Huminhingi siya ng tulong para sa gastusin sa pagpapagamot ng kaniyang anak. --FRJ, GMA Integrated News