Masayang sasalubungin ng isang mananaya ang bagong taon matapos na masolo niya ang P43 milyong jackpot prize sa Lotto 6/42 draw nitong Huwebes, December 28, 2023.

Sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office, nakasaad na isang mananaya ang nakahula sa lumabas na mga numero sa Lotto 6/42 draw na 18-34-01-11-28-04, na may kabuuang premyo na P43,882,361.60.

Silipin ang lotto results dito.

Wala namang tumama sa kasabay nitong draw na Superlotto 6/49, na ang lumabas na mga numero ay 06-19-07-40-43-25, at may premyong P20,173,216.20.

Samantala, nasa P3.5 milyon na ang jackpot sa 6D Lotto pero wala ring nakatama sa lumabas na kombinasyon ng mga numero na 1-7-7-8-1-2.

Nakataya naman sa Biyernes ng gabi ang mahigit P553 milyon na jackpot prize sa Ultra Lotto 6/58, at mahigit P16 milyon na premyo sa Megalotto 6/45.-- FRJ, GMA Integrated News