Hiniling sa Court of Appeals (CA) ng Swara Sug Media Corporation, nasa likod ng Sonshine Media Network International (SMNI), na maglabas ng temporary restraining order (TRO) upang pigilin ang 30-day suspension order ng National Telecommunications Commission (NTC) na ipinataw laban sa kanila.
Ayon kay Atty. Mark Tolentino, abogado ng Swara Sug, inihain nila ang petition for certiorari, prohibition, mandamus with prayer for injunction/TRO dahil hindi umano sila nabigyan ng pagkakataon pabulaanan ang mga alegasyon laban sa kanila.
Giit ng abogado, tila isinuko rin umano ng NTC ang kapangyarihan nito sa Kamara de Representantes na unang nanawagan na suspindihin ang operasyon ng network.
“We believe that we were meted a penalty of suspension without due process. We were not given a chance to answer these allegations,” sabi ni Tolentino sa mga mamamahayag nitong Huwebes.
Unang inimbestigahan ng Kamara ang SMNI dahil umano sa pagpapakalat ng maling impormasyon bunsod ng mga programa nito.
Ayon kay Tolentino, dapat na aid of legislation lang ang laman ng resolusyon na bunga ng imbestigasyon at hindi kasama ang pagpapataw ng parusa.
“Parang naimpluwensiyahan sila (NTC) ng House…dahil lang sa recommendation ng House. NTC has quasi-judicial function and is part of the Executive department,” giit ni Tolentino.
Sinabi naman ni Atty. Rolex Suplico, abogado rin ng Swara Sug, hindi dapat parusahan ang buong network kung dalawang show-- ang Gikas sa Masa at Laban Kasama ang Bayan-- ang sinasabing nagkasama.
“We are here to seek justice. Granted that Gikan sa Masa and Laban Kasama ang Bayan did wrong, why suspend the entire network? Ang kasalanan ni Pedro ay kasalanan ni Pedro lamang,” ani Suplico.
“Yes, there are complaints against us. But complaints are allegations. Hear us out first,” patuloy niya.
Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuhanan ng reaksyon ang NTC. —FRJ, GMA Integrated News