Nagbabala ang mga awtoridad laban sa mga magbebenta ng paputok online. Maging ang mga magde-deliver ng mga paputok, puwedeng hulihin at makasuhan, ayon sa pulisya.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, isang online seller ng mga paputok ang nasakote ng mga awtoridad sa isang entrapment operation sa Caloocan City noong December 21.
Isa pang online seller ang nadakma rin ng mga pulis sa nasabing lungsod matapos na kumagat sa pain ng operatiba na nagkunwaring bibili ng mga paputok sa hiwalay na operasyon noong December 19.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang mga naararesto, ayon sa ulat.
Paalala ng pulisya, bawal magbenta ng ano mang klase ng paputok online.
"Hindi sila binigyan ng PNP ng lisensiya para magbenta dahil ang PNP ay hindi nila pagbibigyan yung mga tao na magbenta sa online because of safety issues," paliwanag ni Police Colonel Jay Guillermo, chief ng Cyber Response Unit, PNP-ACG.
Mahirap daw masiguro ang kalidad ng paputok kapag online ang bentahan. Kaya pinapayuhan ang publiko na sa mga awtorisadong tindahan lang bumili.
Sinabi naman ni Police Colonel Jean Fajardo, PIO chief ng PNP, binabantayan ang online platform para madakip ang mga magbebenta ng paputok sa internet.
Parehong parusa umano ang kakaharapin ng nagbebenta, bibili, at magde-deliver ng paputok na inorder online, ayon sa ulat.
Ang mga mapapatunayang nagkasala, maaaring makulong ng anim na buwan hanggang isang taon na kulong, at multa na mula P20,0000 hanggang P30,000.-- FRJ, GMA Integrated News