Hanga si dating three-division world champion John Riel Casimero sa ipinakitang depensa ng kaniyang kababayan na si Marlon Tapales bagaman natalo sa pambato ng Japan na si Naoya Inoue. Giit ni Casimero, siya lang talaga ang makatatalo sa "The Monster," na undisputed champion na ngayon sa dalawang weight classes.

"Maganda naman pinakita niyang defense," sabi ni Casimero sa kaniyang vlog tungkol kay Tapales. "Defense lang pinakita niya, walang siyang pinakitang gustong manalo. Alam niya na yung first round pa lang alam niya na mahirapan siya kasi si Naoya pagtapos ng suntok atras agad, [saka] sobrang lakas talaga."

"Pero para sa akin, lahat ng malakas pinataob ko," giit pa ni Casimero, na No. 4 sa Junior Featherweight Division (Super bantamweight) ng World Boxing Organization, kung saan hari ngayon si Naoya.

Kung hindi aakyat muli ng timbang si Naoya, may tiyansa si Casimero na matuloy na ang matagal na niyang hangad na makatuos sa ibabaw ng ring ang pambato ng Japan.

Taglay ng 34-anyos na si Casimero ang fight record na 33-4 with 22 knockouts at dating naghari sa light flyweight, flyweight, at bantamweight division.

Noong nakaraang Oktubre, nauwi sa technical draw sa ika-apat na round ang laban sa Japan ni Casimero kontra kay Yukinori Oguni, na pumutok ang ulo dahil sa aksidenteng banggaan ng kanilang ulo.

Matapos ang naturang laban, pinayuhan si Casimero na kumuha ng bagong trainer. Gayunman, sinabi ng Pinoy boxer sa kaniyang vlog na wala siyang plano palitan ang kaniyang mga kasama sa training.

BASAHIN: John Riel Casimero, pinayuhan na kumuha ng bagong trainer

Samantala, nananatiling malinis ang record ng 30-anyos na si Naoya na 26-0, 23 KOs.

Kasama ni Casimero sa ranking sa Junior Featherweight Division ang mga kababayan na sina Carl Jammes Martin (No. 5) at Jonas Sultan (No.11).

Pinaluhod ni Naoya si Tapales sa 10th round ng kanilang laban para agawin ang WBA at IBF super bantamweight belts at isama sa hawak niyang WBC and WBO super bantamweight belts.

Bago umakyat sa super bantamweight, itinanghal na undisputed bantamweight world champion si Naoya noong December 2022 matapos talunin si Paul Butler ng England.

KAHINAAN NI NAOYA

Samantala, naniniwala naman ang veteran boxing analyst na si Atty. Ed Tolentino, na nalantad ni Tapales ang kahinaan ni Naoya sa kanilang naging laban.

Bagaman underdog si Tapales sa naturang sagupaan, naipakita ng Pinoy fighter na puwedeng talunin si Naoya.

“Marlon Tapales' feet were wide apart and Inoue felt inconvenienced. Tapales forced him to turn so Inoue was unable to plant his feet to gain full power. He had difficulty in the early rounds. Inoue, even though he got frustrated, he still kept punching,” paliwanag ni Tolentino sa vlog na Sparring Sessions.

“It was a good strategy if only [Tapales] picked up on the offense a little. There were openings and situations where Inoue was disorganized. If other boxers were watching, they already saw weak spots in Inoue. They could be taking down notes from what Tapales has shown,” dagdag niya.

Bagaman natalo si Tapales sa Japan na teritoryo ni Naoya, sinabi ni Tolentino na hindi dapat mahiya na mabigo sa isang kalaban na katulad ng kalibre ni Naoya.

“Definitely there was a fight plan. Tapales did his homework. It just so happens that Inoue is arguably the pound-for-pound king of boxing. Tapales in a way exposed Inoue,” ani Tolentino. -- FRJ, GMA Integrated News