Nahaharap sa patong-patong na reklamo ang isang SUV driver na ginulungan ang sakay ng isang motorsiklo madaling araw ng Sabado sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City.
Ayon sa ulat ng 24 Oras Weekend, sinugod sa ospital ang babaeng biktima na nagtamo ng mga sugat sa kanyang katawan.
Arestado naman ng otoridad ang driver, na umano'y nakatulog sa kanyang sasakyan kaya't nakaabala ito ng mga motorista bago ang insidente.
Kita sa hulicam na nakahinto ang SUV katabi ang isang nakatumbang motorsiklo. Lumapit ang dalawang rider, kabilang si Daniel Paringit na pumuwesto sa pintuan ng driver.
Maya-maya lang, biglang humarurot ang sasakyan at nagulungan ang biktima. Dirediretso ang sasakyan hanggang sumalpok sa poste ng Metro Rail Transit (MRT).
Sabi ni Paringit, minabuti nilang katukin ang SUV dahil matagal nang hindi makagalaw ang mga sasakyan sa likod nito. Si Paringit ang rider ng sugatang biktima.
"Nagmagandang-loob na lang kami na, tara tignan natin, check lang natin. Pagkita po namin, kinatok ko po 'yung salamin. Tapos may natutulog pala, natutulog lang 'yung driver. Hanggang noong magising po, nag-thumbs up, thumbs up na po kami," ani Paringit.
Nang paalis na si Paringit at ang isa pang rider na Jonathan Tal Placido, bigla raw kumaripas ang driver kaya tinamaan ang isang motorsiklo.
"Noong ayaw po niyang tumigil, nag-a-accelerate siya. Tinry ko nang buksan [yung pintuan] para kunin 'yung susi niya, o kaya pigilan siya or anything. Noong pagbukas na pagbukas, makikita niyo po sa video eh, pagbukas ko po ng pinto, noong pumasok ako para pigilan siya, hinarurot niya lalo," sabi ni Paringit.
Kinumpirma naman ng uploader ng video na nakabangga ng dalawang motorsiklo ang driver bago nagulungan ang biktima.
Mahaharap ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting in serious physical injury, at paglabag sa Anti-Drunk Driving Act of 2013, ayon sa Mandaluyong police.
Inihayag naman ng Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) na hindi rehistrado ang SUV. Pagpapaliwanagin daw nito ang driver at ang nakarehistrong may-ari ng sasakyan.
Bukod sa mga nasabing reklamo kinakasa ng Mandaluyong police, iniulat ng 24 Oras Weekend na mahaharap din ang driver sa mga reklamong reckless driving, improper person to operate a motor vehicle, at driving an unregistered motor vehicle.
Tumanggi namang magpaunlak ng interview ang SUV driver. — VDV, GMA Integrated News