May mahigit na P1 per liter na taas-presyo sa mga produktong petrolyo na posibleng mangyari sa huling linggo ng 2023.
Ang pagtaya ay batay sa resulta ng kalakalan ng krudo sa pandaigdingang merkado sa nakalipas na apat araw ngayong linggo, ayon kay Department of Energy (DOE) Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) Assistant Director Rodela Romero.
Posibleng nasa P1.40 hanggang P1.60 per liter ang madagdag sa presyo ng gasolina at diesel, habang P1.60 hanggang P1.80 per liter sa kerosene.
"Said adjustments were tempered by signs of unexpected build up in US crude stockpiles and talks over a potential ceasefire in the Israel-Hamas war," sabi ni Romero nitong Biyernes.
Kabilang sa mga itinuturong dahilan sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ang nangyayaring pag-atake ng mga rebelde sa mga oil tanker na dumadaan sa Red Sea.
Naglunsad na ang United States ng multinational operation para protektahan ang mga barkong pangkomersiyo na dumadaan sa Red Sea na posibleng atakihin ng Houthi militant group.
Ngayong linggo, nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng diesel matapos ang dalawang sunod na linggo na price rollback. Wala namang naging paggalaw sa presyo ng gasolina. —with Reuters/FRJ, GMA Integrated News