Natapos na ang tatlong taong pangungulila ng isang kasambahay sa kaniyang anak, matapos itong tangayin umano ng kaniyang amo sa Leyte at iparehistro bilang sarili nitong anak gamit ang mga pekeng dokumento.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Jovena Caduan, 45-anyos, na dinakip ng mga tauhan ng Regional Special Operations Group ng NCRPO sa bisa ng warrant of arrest.
Isinalaysay ng pulisya na tinangay ni Caduan ang bagong silang na sanggol ng kaniyang kasambahay sa Leyte noong 2020 at itinuring na kaniyang sariling anak.
Sinabi ni Police Captain Arniel Buraga, Chief ng Intel Regional Special Operations Group ng NCRPO na si Caduan ay nagtago sa Quezon City.
"May katulong silang babae na bagong panganak at kinuha nila 'yung bata," sabi ni Buraga.
Pangalan din ni Caduan ang kaniyang ipinalagay bilang magulang sa birth certificate ng bata na inirehistro umano sa Philippine Statistics Authority.
Gayunman, mga pekeng dokumento ang ginamit ng suspek, lalo't hindi siya tunay na nanganak.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makunan ng panig ang suspek, na nakabilanggo ngayon sa NCRPO.
Nahaharap ang suspek sa reklamong simulation of birth, substitution of one child for another, serious illegal detention, at kidnapping na walang piyansa.
Naibalik na ang bata, na tatlong taong gulang na ngayon, sa kaniyang tunay na magulang sa Leyte. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
Babaeng tinangay ang anak ng kaniyang kasambahay at ipinarehistro bilang sarili niyang anak, huli
Disyembre 21, 2023 8:59pm GMT+08:00