Sugatan sa noo at mga paa ang isang babaeng motorcycle rider matapos siyang mabangga ng taxi sa Barangay South Triangle, Quezon City. Ang taxi driver na hinabol ng mga nagmagandang loob na motorista, itinanggi na tumakas siya.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nagmula pa sa trabaho ang biktima at pauwi na sa Valenzuela nang mangyari ang insidente ng 2:30 a.m.
Binabagtas ng babae ang GMA Network Drive nang biglang sumulpot ang taxi sa intersection ng Samar Avenue.
Matapos magkasalpukan, naiwan ng taxi ang bumper at plaka nito sa lugar.
Nagmalasakit ang ilang motorista na nakakita sa aksidente at hinabol ang taxi ngunit hindi nila ito inabutan. Ayon sa kanila, mabilis ang takbo ng taxi at hindi nagmenor sa intersection.
Bumalik naman sa lugar ng aksidente ang taxi driver, na galit na kinompronta ng mga motorista.
"Hindi ko napansin na may motor na dumaan," depensa ng taxi driver, na sinabing wala rin siyang intensyong takasan ang nabanggang rider.
Ayon pa sa suspek, inihatid lang muna niya ang sakay niyang pasahero.
Nasa kustodiya na ng QCPD Station 4 ang taxi driver habang gumugulong ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Agad namang ginamot ng mga rumespondeng barangay personnel ang babae.— Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
Babaeng motorcycle rider, sugatan nang mabangga ng taxi sa QC
Disyembre 20, 2023 4:12pm GMT+08:00