Pinawalang-sala ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang dalawang lalaking nakulong sa kasong pagnanakaw dahil sa pagkawala ng cellphone ng isang pasahero matapos umanong "ipitin" sa pintuan ng bus.
Sa 13-pahinang desisyon na inilabas ng SC Third Division, binaliktad nito ang naunang hatol ng mababang korte laban kina Julius Tijam at Kenneth Bacsid, na guilty sa kasong pagnanakaw ng cellphone sa isang pasahero ng bus.
Nagpetisyon ang dalawa sa SC na suriin ang kanilang kaso.
Batay sa pasya ng SC, hindi sapat ang mga katibayan laban sa dalawa para ipakulong.
“Due to the prosecution’s failure to prove the petitioners’ guilt beyond reasonable doubt, their presumption of innocence, enshrined in the Constitution and stringently guarded by the Court, must be upheld,” ayon sa desisyon ng SC.
Taong 2017 nang kasuhan sina Tijam at Bacsid ng kasong theft dahil sa pagnanakaw umano sa cellphone ng isang pasahero ng bus na nagkakahalaga ng P25,000.
Reklamo ng biktima, inipit siya sa pinto ng bus ng isang suspek at kinalaunan ay nalaman niya na nawawala na ang cellphone niya sa kaniyang bulsa.
Hinanap daw ng biktima ang taong umipit sa kaniya sa pinto ng bus na nakilala niya kinalaunan na si Bacsid na nasa waiting area. Nang lalapitan niya ito, sinabi ng biktima na nakita niya si Tijam na iniaabot kay Bacsid ang kaniyang cellphone.
Batay naman sa tala ng korte, ipinaliwanag ni Tijam na nakita niya ang cellphone sa lapag at kaniyang pinulot.
Ipinakikita raw niya kay Bacsid ang cellphone nang makita sila ng biktima.
Kinatigan ng SC ang paliwanag nina Tijam at Bacsid na walang malinaw na katibayan na magdidiin sa alegasyon ng biktima na ninakaw nila ang cellphone.
“The Court finds that the combination of the aforementioned circumstances, even if given full faith and credit, do not establish the elements of theft,” ayon sa SC.
Ang tanging pangyayari na maaari lang umanong iugnay si Bacsid sa alegasyon ng pagnanakaw ay batay sa salaysay ng biktima na inipit siya sa pinto ng bus.
“By no stretch of imagination may the act of pinning someone establish the unlawful taking of property. Besides it is strange that (the complainant) claimed that Bacsid pinned him to the bus door at his left side, while the cellular phone was taken from his right pocket,” paliwanag sa desisyon.
Samantala, sinabi ng SC na ang tanging koneksyon ni Tijam sa insidente ay pag-abot niya kay Bacsid ng cellphone. Wala rin umano sa tala na sinasabi ng biktima na nakita niya si Tijam sa bus.
Kinatigan ng SC ang paliwanag ni Tijam kung bakit napunta sa kaniya ang cellphone.
“Such explanation is plausible in view of (the complainant’s) own narration that there was an onslaught of passengers rushing inside the bus, which could have caused him to drop his phone,” ayon pa sa desisyon.
Patuloy niya, “The highest quantum of proof is required as the petitioners’ life and liberty are at stake. In this case, the facts from which the inferences were derived are not proven; the totality of the circumstances miserably failed to point to the petitioners to the exclusion of all others as the malefactors.” —FRJ, GMA Integrated News