Inihayag ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Lunes na nagsasagawa sila ng masusing imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ng veteran actor na si Ronaldo Valdez.

“As of today, [the] QCPD is currently conducting a thorough investigation to ascertain the cause of the death of Mr. James Gibbs aka Ronaldo Valdez,” saad sa inilabas na pahayag ng QCPD.

“We understand the importance of this matter; hence, we are working diligently to gather all relevant facts and evidence,” dagdag pa nito.

Tiniyak ng QCPD sa publiko na maglalabas sila ng opisyal na pahayag sa sandaling matapos ang kanilang imbestigasyon.

Pinayuhan din ng pulisya ang publiko na huwag gumawa ng mga espekulasyon, at igalang ang privacy ng pamilya ng aktor.

Nagpaabot din ng pakikiramay ang QCPD sa pamilya ni Ronaldo.

Ngayong Lunes, naglabas ng maigsing pahayag si Janno Gibbs sa Instagram tungkol sa pagpanaw ng kaniyang amang si Ronaldo.

“It is with great sorrow that I confirm my father's passing,” anang singer-actor, na humiling ng privacy sa harap ng kanilang pagluluksa.

“Your prayers and condolences are much appreciated,” dagdag pa niya.

Nitong Linggo nang iulat ng QCPD ang pagkamatay ng 76-anyos na si Ronaldo sa isang bahay sa Quezon City.

Napatanong ang ilang netizens kung ano ang nangyari sa beteranong aktor at kung bakit nanggaling sa pulisya ang impormasyon tungkol sa kaniyang pagpanaw.— FRJ, GMA Integrated News