Dalawa ang nasawi at lima ang nasugatan nang masunog sa isang wing van na nakaparada sa Calumpang, Marikina nitong Linggo ng umaga.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras Weekend, sinabing nakaparada ang van sa BFCT East Metro Transport Terminal nang mangyari ang insidente.
Ayon kay Eastern Police District (EPD) Director Police Brigadier General Wilson Asueta, may nakitang mga paputok at combustible materials sa loob ng van.
“Nakita niyo naman, merong mga firecracker na ebidensiya, so nakita natin na ito ay nasa loob, so ito ang cause ng ating sunog ng wing van truck,” sabi ng opisyal sa naturang ulat ni Katrina Son.
Nagkaroon din umano ng pagsabog sa truck, ayon sa ilang saksi.
Sinabi ni Asueta na aalamin nila ang pananagutan ng may-ari ng truck dahil ipinagbabawal ang pagkarga ng mga paputok sa mga pampublikong sasakyan at cargo vehicles.
“Iimbestigahan natin kung may pananagutan ang ating truck owner nito or kung sinong naka-register sa cargo business na ito,” anang opisyal.
Nasawi sa insidente ang driver ng truck at pahinante nito.
Kuwento ng saksi na kabilang sa nasugatan, “Sabi ko ‘Upo muna ako dun tol, sabi niya ‘Mag-ano muna ako, magliwaliw muna ako, kasi nakakapagod nga. Pag-upo ko sa puwetan ng truck nila, biglang sumabog nang napakalakas, parang binuhat ako na tumagos ako sa bintana ng salamin,” ani Romel Piad.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na mahingan ng pahayag ang pamunuan ng terminal at may-ari ng wing van. — FRJ, GMA Integrated News