Apat na katawan, kabilang ang dalawang menor de edad, ang natagpuan sa sunog sa Brgy. Talaba II sa Bacoor, Cavite.
Sa ulat ni Bam Alegre nitong Biyernes sa Unang Balita, sinabing mayroon pang mga nawawala at mga naapektuhan na kasalukuyang nasa ospital na nagtamo ng mga sugat.
Nagsimula ang sunog Biyernes ng madaling araw at itinaas ang unang alarma ng 3:05 a.m.
Ayon sa ulat, nahirapang makapasok ang mga bumbero dahil sa kitid at dilim sa daanan papunta sa mga nasusunog na bahay.
Nagdeklara ng "fire under control" ang Bureau of Fire Protection pasado alas kuwatro ng madaling araw.
Personal na nakita ni Kagawad Beth Tertona ang sunog na katawan ng dalawang bata.
"So far daw po, ang nasa labas lang dalawa, kasama sa tatlo. May hinahanap pa po siyang kapatid niya at tsaka yung isang ate niya daw. Pero yung dalawang pamangkin, pagtawag po ng bumbero, nakita na natin agad yung casualty. Di' muna natin malalabas kasi halos di mo na marecognize yung body ng mga bata," sabi ni Tortona.
Si Jomari Organo naman, hinahanap ang kaniyang dalawang nawawalang anak na isang 8 year-old at isang 6 years-old na mga bata.
"Pagpunta ko dito, hindi na puwedeng pumasok, malaki na yung apoy. Yung tatlo nasugod pa 'dun, yung anak ko hindi na nailabas," saad ni Organo. —VAL, GMA Integrated News