Limang trabahador ang nasawi matapos na bumagsak ang sinasakyan nilang construction elevator mula sa taas na 66 na talampakan sa Sundbyberg, Stockholm sa Sweden. Ang mga biktima, posibleng mga dayuhang manggagawa.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing inihayag ng mga awtoridad na magsasagawa sila ng imbestigasyon sa nangyaring insidente noong Lunes para alamin kung nagkaroon ng kapabayaan sa construction site kaya nangyari ang trahediya.
"Efforts to establish the identities of the deceased are ongoing," ayon kay prosecutor Gunnar Jonasson sa inilabas na pahayag.
Nangyari ang insidente sa itinatayong 14-storey apartment building.
Sinabi ni Tomas Kullberg, tagapagsalita ng construction workers union na Byggnads, sa Swedish news agency na TT, na subcontract worker ang mga biktima.
"It is deeply tragic that five people have died, and our thoughts go out to their families," ani Kullberg, na nagsabing maaaring mga dayuhang manggagawa ang mga nasawi.
Sinuspinde na ng lokal na opisyal ng Sundbyberg noong Martes ang paggawa sa lugar dahil sa "risk and danger to life and health."— AFP/FRJ, GMA Integrated News