Ipinaliwanag ni Vice President Sara Duterte nitong Lunes na ginamit ng kaniyang tanggapan na Office of the Vice President (OVP) ang mahigit P1.2 bilyong pondo para tulungan ang mga mahihirap na nangailangan ng atensyong medikal.
Ginamit umano ng OVP ang P1,270,973,371 pondo mula noong July 2022 hanggang October 2023. Umabot sa 106,958 Pilipino ang natulungan umano ng pondo.
Nagkaloob din ng P130.3 milyon na burial assistance ang OVP para sa 22,470 pamilya.
Sinabi ni Duterte na mas maraming Pilipino ang natulungan ng OVP sa tulong ng satellite offices sa Bacolod, Cebu, Dagupan, Davao, Tacloban, Surigao, Zamboanga, Isabela, at sa Bangsamoro at Bicol regions.
Mayroon ding dalawang extension offices sa Lipa, Batangas at sa Tondo, Manila.
“Bago ako naging Vice President, nakita ko po sa aking paglilibot sa buong Pilipinas ang pangangailangan na dalhin sa mga probinsiya ang mga serbisyo ng gobyerno lalo na sa mga mahihirap na bahagi ng bansa. Marami po kasi sa ating mga kababayan sa probinsiya ang nangangailangan ng serbisyo ng pamahalaan pero madalas ay wala silang matakbuhan,” ayon sa pangalawang pangulo.
“Kung kaya nung naluklok ako sa puwesto, ninais ko pong palawakin ang serbisyo ng ating tanggapan at mapagsilbihan ang mga Pilipino hindi lamang sa National Capital Region o Metro Manila, kasama na ang buong bansa,” dagdag niya.
Nitong nakaraang July, pinuna ng Commission on Audit (COA) ang OVP dahil sa mahigit P600,000 halaga ng mga binili para sa satellite offices, na hindi raw naayon sa Procurement Law o Republic Act 9184.
"The immediate establishment of satellite offices without enough equipment to operate led to Management’s decision to resort in immediate purchase of PPE (Property Plant and Equipment) and semi-expendable property using the cash of its officers, which the OVP subsequently paid through reimbursement,” ayon sa COA.
Sinabi pa ni Duterte na nakapagkaloob din ang OVP ng free transport service sa ilalim ng Libreng Sakay program ng ahensiya. Umabot umano sa mahigit 523,000 pasahero sa Metro Manila ang nakinabang rito; 99,600 sa Cebu; 89,600 sa Bacolod; at 60,400 sa Davao.
Nakapagsagawa rin ang OVP ng 162 relief operations sa panahon ng kalamidad, na nakatulong sa 115,045 apektadong pamilya.
Sa “Mag-Negosyo Ta ‘Day Program” ng OVP, sinabi ni Duterte na nakatanggap ng P150,000 pununan ang 25,700 miyembro nito para makapagsimula ng negosyo.
Nagsagawa rin umano ang OVP ng “Pagbabago: A Million Learners and Trees Campaign,” at “PanSarap Program” para sa mga mag-aaral.
“Bago pa kasi matapos ang 120 days period ng pagpapatupad nito, nakitaan na agad ng pagbabago sa timbang ang mga learners na benepisyaryo nito,” ayon kay Duterte, na kalihim din ng Department of Education.—FRJ, GMA Integrated News