Matapos ang isang linggong paghahanap, patay na nang makita ang nag-iisang pasahero ng bumagsak na Piper plane sa kabundukan ng Sierra Madre sa bahagi ng lalawigan ng Isabela.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing sa tulong K-9 tracking unit, nakita ang katawan ng biktima si Erma Escalante, 200 metro ang layo mula sa pinagbagsakan ng eroplano.

Unang nakita sa eroplano ang bangkay ng piloto na si Captain Levy Abul II.

Nagkaroon noon ng pag-asa ang rescue team na posibleng buhay si Escalante dahil wala siya sa crash site at may nakitang ginawang silungan hindi kalayuan sa pinagbagsakan ng eroplano.

Dinala na sa bayan ng Palanan ang mga labi ng biktima kung saan naghihintay ang kaniyang mga kaanak.

Hindi naging madali ang paghahanap sa mga biktima dahil kailangang tumawid sa ilog, at akyatin ng rescue team ang madulas at matarik na bundok.

Ang ground rescue team ay binubuo ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Palanan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

Noong November 30 nang umalis sa Cauayan Airport dakong 9:39 a.m. ang Piper PA-32-300 ng Fliteline Airways na inooperate ng Cyclone Airways. Dapat sanang darating ito sa Palanan Airport pagsapit ng 10:23 a.m. pero bigla nang nawala.
 
Makaraan ang limang araw na paghahanap, nakita eroplano na bumagsak sa kabundukan ng Isabela sa bahagi ng Barangay Casala sa munisipalidad ng San Mariano.

Ngunit hindi rin kaagad napuntahan ang lugar dahil na rin sa hindi magandang lagay ng panahon.--FRJ, GMA Integrated News