Dedikasyon ang inilalaan ng isang trainer sa pagsasanay ng kaniyang mga alagang ibon para makapagtanghal at makapagbigay ng saya nang libre sa mga batang may sakit at nasa bahay-ampunan.
Sa kwentong Dapat Alam Mo! ni Darlene Cay, itinampok si Onard Hernandez ng Parañaque City, na inihahanda ang kaniyang mga alagang ibon na sina Charity, Crista, Buddy, Cloud at Luna para sa bird tricks.
Ilan sa kanilang tricks ang dumaan sa obstacle course, magbasketball, mag-exercise at mag-impok.
“Nagsimula ako sa charity kasi nakita ko ‘yung mga bata, hindi sila makapag-mall. Naisip ko, ako na lang ang pupunta sa kanila para mapasaya ko naman ‘yung mga bata,” sabi ni Hernandez.
Ayon kay Hernandez, dapat nang alagaan ang ibon habang inakay pa lamang ito para humaba ang bonding nito sa trainer. Ito ang paraan niya para magkaroon ng tiwala at sumunod sa kaniya ang ibon.
May medium-sized birds din si Hernandez tulad ng Indian ring-necked at Conure na bukod sa tricks, friendly at game rin para sa picture taking.
Sariling sikap pagdating sa pagtuturo ng bird tricks si Hernandez, na gumagamit ng reward system o pagbibigay ng pagkain at target colors para sumunod ang kaniyang mga ibon.
Siya rin ang mismong gumagawa ng props na kaniyang ginagamit sa kaniyang shows.
Noong nagtuturo ng trick, inaabot si Hernandez ng isang araw bago ito matutunan ng ibon. Ngunit ngayon, minuto na lang ang itinatagal at nakukuha na ng mga ibon.
Araw-araw din ang training ng mga ito para hindi malimutan ang mga itinuturo niyang tricks, at binibigyan niya ito ng sapat na pahinga at vitamins para maiwasang mapagod o manghina. May sarili rin silang kulungan para hindi ma-stress.
Sumisingil si Hernandez ng P3,500 para sa 15 hanggang 20 minuto na show, ngunit libre ito kapag magtatanghal siya sa mga batang maysakit o sa mga bahay-ampunan.
“Naisip ko na ibigay na lang sa kanila ‘yung kasiyahan kasi nga alam ko naman, lalo na ang mga homeless o mga bata, gusto kong mapasaya talaga sila,” sabi ni Hernandez.
Para kay Hernandez, hindi lang niya alaga ang kaniyang lovebirds kundi parte na rin ng kaniyang pamilya. —VBL, GMA Integrated News