Pinatawan ng 90-day preventive suspension ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Ceres Bus Liner matapos mahulog ang isa nitong bus sa bangin sa Hamtic, Antique na ikinasawi ng 17 katao.
Sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkules, sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, na bahagi ng gagawin nilang imbestigasyon ang inilabas na suspension order laban sa Ceres Bus Liner.
Tinatayang 15 bus ng kompanya ang sakop ng kautusan ng LTFRB.
Kasama sa aalamin ng mga awtoridad ay kung nasangkot na rin sa ibang sakuna ang mga bus ng Ceres sa nakalipas na mga taon.
Una nang sinabi ng Ceres Bus Liner na handa silang makipagtulungan sa isasagawang imbestigasyon.
"Vallacar Transit, Inc. would like to express its most heartfelt apologies to those who were involved in the incident," ayon sa kompanya na namamahala sa Ceres Bus line. "We would also like to send our sincerest condolences to the bereaved families."
Ayon sa VTI, magbibigay sila ng financial assistance sa mga biktima at pamilya nito, at sasagutin ang gastos sa ospital ng mga nasaktan.
"The management guarantees the riding public that we are taking all the appropriate steps to ensure that our buses are road-worthy and well-maintained," sabi ng VTI.
Lumitaw na 17 tao ang kumpirmadong nasawi, taliwas sa 28 katao na unang inanunsyo ni Antique Governor Rhodora Cadiao nitong Martes ng gabi.—FRJ, GMA Integrated News