Isang bangkay ng lalaki ang natagpuang nakasako sa gilid ng kalsada sa North Caloocan.

Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes, sinabing natagpuan ng isang mangangalakal ang sako sa Barangay 176 pasado 3 p.m. nitong Lunes.

Ayon sa purok leader ng lugar, hindi pamilyar ang mukha ng biktima at hindi rin ito residente sa kanilang lugar.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may nagtapon ng bangkay sa mismong lugar.

Sinabi ng Caloocan City Police na hindi nila nakitaan ng ID ang biktima kaya hindi pa nila matukoy ang pagkakakilanlan nito.

Base sa inisyal na imbestigasyon, may indikasyong sinakal ang biktima.

Patuloy ang backtracking at paghahanap ng CCTV ng Caloocan City Police para matukoy kung sino ang nagtapon ng bangkay.

Wala pa ring mga kamag-anak ang nagke-claim sa bangkay. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News