Inisyuhan ng show cause order at pinagpapaliwanag ng Land Transportation Office ang SUV driver na viral dahil sa pamimilit niyang mangumpiska ng lisensya ng nakagitgitan niyang truck driver sa C5 Road sa Taguig City. Ang driver, natuklasang hindi pala pulis, ayon sa Philippine National Police.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa 24 Oras nitong Huwebes, mapapanood ang viral video ng tensyon sa pagitan ng SUV driver at ng truck driver, na biglang huminto sa gitna ng C5 Road.
Maya-maya pa, lumapit ang SUV driver sa truck driver.
"Akin na ang lisensya mo! Akin na ang lisensya mo!" sigaw ng SUV driver sa truck driver.
Ayon sa truck driver, bukod sa panggigitgit umano, pinagbintangan din siya ng SUV driver.
"Pulang pula ang mata mo, naka-drugs ka!" bintang ng SUV driver, habang paulit-ulit niyang hinihingi ang lisensya ng truck driver.
Nagmatigas ang truck driver at hindi pumayag sa pamimilit ng SUV driver.
Matapos maputol ang pag-record ng camera, may iba pang sinabi ang SUV driver sa truck driver.
" 'Yung biktima po roon ay nagpa-blotter about that incident. Ang sinasabi po niya ay nagpakilala na pulis ito at sinasabi na 'Kukunin ko ang baril ko at babarilin kita' at 'Alam ko na kung saan ka nakatira,'" sabi ni Police Colonel Jean Fajardo, PIO chief ng Philippine National Police.
Ngunit base sa database ng PNP, hindi pulis ang registered owner ng SUV.
Ayon sa PNP, pulis o hindi, mali ang ginawa ng SUV driver.
Sinabi ng PNP na hindi maaaring mangumpiska ng driver's license ang kung sinu-sino lamang, kundi ang mga opisyal gaya ng Land Transportation Office enforcers, traffic enforcers at deputized police officers.
Iniimbestigahan ang mga posibleng paglabag ng SUV driver gaya ng reckless driving, obstruction of traffic, at improper person to operate a motor vehicle.
Pinatawan na rin ng LTO ng preventive suspension ang driver's license ng SUV driver at ang rehistro ng kaniyang sasakyan.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng driver ng SUV, na nais ding kunan ng pahayag ng PNP. —Jamil Santos/NB, GMA Integrated News
Lisensya ng SUV driver na namimilit mangumpiska ng lisensya ng nakagitgitan, sinuspinde
Nobyembre 30, 2023 10:42pm GMT+08:00