Pumanaw nitong Martes ang pangunahing atraksyon sa Manila Zoo na si Mali, ang nag-iisang elepante sa Pilipinas.
Sa Facebook post ng Manila Public Information Office, inanunsyo ni Manila Mayor Honey Lacuña ang pagpanaw ni Mali, o Vishwa Ma’ali, na nagmula sa Sri Lanka.
“Kinalulungkot ko pong ibalita sa inyo ang pagpanaw ng ating minamahal na Vishwa Ma’ali o mas kilala niyo sa pangalang Maali, dito sa loob ng Manila Zoo sa ganap na 3:45 ng hapon ngayong araw, November 28,” ayon sa alkalde.
Sinabi rin ng alkalde na isinailalim sa necropsy si Mali para malaman ang dahilan ng pagkamatay nito.
Tinatayang 40 taong namalagi sa Manila Zoo si Mali, at pinapaniwalaan na nasa 48 hanggang 49 taong gulang siya nang pumanaw.
Taong 1977 nang ibigay ng Sri Lanka sa pamahalaan ng Pilipinas si Mali matapos na mamamatay ang kaniyang mga magulang sa gubat.
Pinaniniwalaan na hindi na mabubuhay na mag-isa sa wild si Mali kaya ipinadala na siya sa Pilipinas at inilagay sa pangangalaga ng Manila Zoo.
Noong 2013, naglunsad ng petisyon ang animal rights group na People for the Ethical Treatment of Animals (PETA), ilipat si Mali sa wildlife sanctuary sa Thailand.
May nagmungkahi rin na ilipat si Mali sa mas malapit na lugar na Zoobic Safari sa Subic, Zambales. -- FRJ, GMA Integrated News