Naaresto ng mga awtoridad ang isang suspek sa 'Ipit-Taxi' modus na ang isang biktima sa San Juan ay natangayan umano ng aabot sa P500,000 na halaga ng mga gamit at alahas.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing sa mall kumukuha ng pasahero ang suspek na si alyas "Vernon."
Puro babae umano ang binibiktima ng mga suspek na sa halip na ihatid sa destinasyon ay dinadala sa hindi mataong lugar at doon na iipitin ng kasabwat ng suspek ang biktima para tangayin ang mga gamit.
Ang biktima na papalag, sinasaktan umano ng mga suspek, ayon sa pulisya.
“May biglang sasakay sa backseat, iipitin yung pasahero. Lahat ng gamit kinukuha, pagka hindi pa ano… sasaktan pa ang pasahero,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Francis Reglos, hepe ng San Juan Police
Sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad, natunton ang kinaroronan ni Vernon, at naaresto.
Positibo siyang kinilala ng hindi bababa sa 10 biktima, ayon sa pulisya. Lumitaw din na pinapalitan ng suspek ang tatak o pangalan ng taxi na ginagamit nito sa krimen.
Ayon sa San Juan Police, dati nang may modus ng "Ipit Taxi" sa eastern part ng Metro Manila pero nalansag noong 2014 ang grupo nang madakip ang pinaka-lider na napag-alaman na tiyuhin umano ni Vernon.
Nanawagan ang Eastern Police District sa pamunuan ng shopping malls na higpitan ang seguridad sa kanilang taxi bays lalo na ngayong Holiday season.
“Magkaroon [dapat] ng more CCTVs sa parking ng mga taxi, there should be a registration, who will be the taxi operator na papasok sa mga mall areas,” ayon kay Eastern Police District (EPD) Director Police Brigadier General Wilson Asueta. —FRJ, GMA Integrated News