Isang mananaya ang masuwerteng tumama ng mahigit P116 milyon sa Grand Lotto 6/55 draw nitong Sabado, November, 11, 2023. May nanalo rin sa kasabay nitong Lotto 6/42 na mahigit P10 milyon naman ang premyo.

Sa website ng Philippines Charity Sweepstakes Office (PCSO), nakasaad na ang lumabas na winning combinations sa Grand Lotto 6/55 ay 52-08-41-11-27-31, may kabuuang premyo na P116,554,053.80.

BASAHIN: P40 na taya, tumama ng P147-M jackpot sa Super Lotto 6/49 sa 'lucky pick' system

Sa Facebook page naman ng PCSO, nakasaad na mayroong 19 na mananaya ang nanalo ng second prize na may premyong P100,000.00.

Samantala, isang mananaya rin ang nanalo ng P10,874,702.20 jackpot sa kasabay nitong Lotto 6/42 draw na ang lumabas na mga numero ay 03-28-17-11-26-16.   

Umabot naman sa 72 mananaya ang nanalo ng P24,000 para sa second prize.-- FRJ, GMA Integrated News