Dalawang Chinese national na dinukot umano at may mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang nasagip matapos pasukin ng mga awtoridad ang bahay kung saan umano sila tinatago sa Meycauayan, Bulacan. Ang mga biktima, natunton nang makapagsumbong ang isa pang Chinese na tumalon sa rooftop para makatakas.
Sa ulat ni Nico Waje sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita ang dalawang Chinese na may mga sugat sa paa at hindi makalakad nang maayos nang sagipin ng Meycauayan Police sa isang bahay sa isang subdivision.
Nasa ospital na ang isa pang Chinese na nakatakas. Matapos tumalon mula sa rooftop ng bahay, humingi siya ng tulong sa mga security guard ng subdivision kaya rumesponde naman ang mga pulis.
Ayon sa pulisya, nakaposas at nakapiring ang dalawang natirang biktima nang pasukin nila ang bahay.
Nadatnan din nilang tulog ang isa sa mga suspek, habang sinunggaban naman ang isa pang suspek na nagbukas ng pinto.
Ayon sa mga biktima, pinahihirapan umano sila at hinihingian umano ng ransom.
Nakuha sa bahay ang vice grip, martilyo at baril.
POGO worker ang mga biktima, na ikapitong araw nang pinaghahanap ng kanilang mga kamag-anak.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek ngunit base sa kanilang salaysay sa pulis, inutusan lang din sila ng kanilang kapwa Chinese.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kidnapping at serious physical injuries. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News