Naaresto na ang isa pang suspek sa panggugulpi na ikinamatay ng isang tindero na kanila lang napagtripan sa Pasig noong Hunyo.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nadakip ng mga awtoridad sa Tanay, Rizal nitong Miyerkules ang suspek na si Wilfredo Sarisa, na hindi na nagbigay ng pahayag.
Una nang naaresto noong nakaraang Oktubre ang isa pang suspek na si Arnel Tacud.
Patuloy namang tinutugis ang isa pang suspek na si Ian Noblesa dahil sa pagpatay nila sa biktimang si Jeffrey Mundin.
BASAHIN: Tindero ng tubig sa Pasig City, patay matapos umanong mapagtripan ng 3 lalaki
Nahuli-cam noong huling linggo ng Hunyo sa overpass ng C-5 Road sa Barangay Ugong ang ginawang paggulpi ng mga suspek sa biktima.
Dinala sa ospital si Mundin pero binawian din ng buhay dahil sa matinding pinsala na tinamo sa ulo.
Ayon sa pulisya, hinampas ng bato ang biktima. Kasong murder ang isinampa sa tatlong suspek.
Umaasa ang asawa ng biktima na si Cristina Fernandez na mahuli na rin sana ang huling suspek upang pagbayaran nila ang ginawang pagpatay sa kaniyang kabiyak.
"Hindi pa rin namin tanggap yung ginawa nila. Nahihirapan pa rin kami sa araw-araw. Nawala na po yung taong tanging tumataguyod po sa amin," emosyonal niyang pahayag. -- FRJ, GMA Integrated News