Bumungad ang mga pribadong silid at spa room sa isang POGO na sinalakay ng mga awtoridad dahil pugad umano ng prostitusyon at wala umanong kaukulang lisensiya sa Parañaque City.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing sinalakay ng Southern Police District at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang naturang establisyimento sa Aseana Business Park.
Natuklasan ang mga pribadong kuwarto at mga spa room, bukod pa sa mga desktop at gaming console sa ikapitong palapag ng gusali.
Sa unang tingin, tila isang simpleng parking lot lamang ang ikapitong palapag dahil sa mga parking space number. Ngunit sa halip na sasakyan, mga pribadong silid para sa prostitusyon umano ang nakalagay sa bawat parking slot.
“While doing the inspection, nakita nga namin iyong prostitution den. Kung mapapansin niyo, mayroon mga babae na nandoon and they have rooms na ginagamit nila sa prostitution,” sabi ni PAOCC executive director Undersecretary Gilbert Cruz.
Ngunit ayon sa mga babae, na lahat ay mga Pilipina, pagmamasahe lamang ang kanilang inaalok na serbisyo.
Bagama’t may lisensiya ang iba pang palapag ng POGO, wala namang naipakitang kaukulang mga dokumento ang mga empleyado, karamihan ay Chinese, gaya ng pasaporte.
Ayon kay Cruz, sinabi ng mga empleyado na hawak ng kanilang mga amo ang kanilang mga passport.
Idineklara ng POGO hub sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na mahigit 900 lamang ang trabahador nito, ngunit sa pagsalakay ng mga awtoridad, tinatayang na mahigit 2,000 ang nagtatrabaho rito na karamihan ay mga Chinese.
Naka-hold naman ang dalawang Chinese national na nangangasiwa sa POGO hub.
Sinabi ng SPD na 16 empleyado na mga biktima umano ng human trafficking ang nasagip sa operasyon.
Tinitingnan ng PAOCC ang posibilidad na ipasara ang establisyimento dahil sa human trafficking, at paglabag sa mga batas sa paggawa at immigration.
Nakatakda namang bisitahin ng Bureau of Immigration ang lugar para sa profiling ng mga empleyado sa naturang POGO. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News