Isang babae ang nakaladkad nang tangkaing hablutin ng dalawang lalaki na nakasakay sa motorsiklo ang kaniyang bag sa Quezon City.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras,” tumatawid ang tatlong babae papunta sa isang Chinese restaurant sa Banaue, Quezon City bandang 6 ng gabi noong Oktubre 28.
Biglang dumaan ang motorsiklo sa likod ng mga babae at hinablot ang bag ng isa sa kanila.
“Nagkaroon siya ng mga konting sugat lang at laceration sa ulo,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Romil Avenido, Station Commander, Quezon City Police District Station 1.
Bagamat ayaw nang magreklamo ng pamilya ng biktima, patuloy pa ring nag-iimbestiga at nangangalap ng mga CCTV footage ang mga pulis para makilala ang mga suspek na mabilis na nakatakas.
Ayon sa pulisya, tuwing papalapit ang pasko tumataas ng mga petty crimes dahil kapag dumadami ang mga tao sa lansangan at iba pang lugar ng pasyalan, lumalaki ang oportunidad para sa mga mapagsamantala.
Kaya magpapakalat ang National Capital Region Police Office ng karagdagang tropa para magpatrolya. -- Sherylin Untalan,FRJ/GMA Integrated News