Patay ang isang bagong halal na barangay kagawad sa Pasay City matapos siyang barilin ng suspek na naka-riding in tandem nitong Lunes ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Lina Camacho, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes.
Nangyari ang insidente sa mismong barangay hall ng Barangay 37 dakong 5:30 ng hapon. Nakikipagkuwentuhan noon ang biktima sa mga tao sa loob ng barangay hall.
Sa kuha ng CCTV, nakitang huminto sa tapat ng barangay hall ang isang motor na may dalawang lalaki na riding in tandem. Bumaba ang angkas nito at nagpaputok ng baril sa glass door ng barangay hall. Makalipas ang ilang segundo ay sumakay ang gunman sa motor at dali-daling pinatakbo ng rider ito para makatakas.
Ayon sa Pasay City Police, naitakbo pa sa ospital ang biktima ngunit binawian din ng buhay.
"Tagos doon sa glass door eh so hindi na sila pumasok. Pinaputukan siya ng dalawang beses pero according sa ating SOCO, isa lang ang tumama. So sa likod, tumagos sa leeg. 'Yung pangalawang balang pinaputok ay tumama sa railings ng glass door," saad ni Police Major Christel Carlo Villanueva, commander ng Substation 1 ng Pasay City Police Station.
Agad rumesponde ang mga pulis at inabutan ang mga suspek.
Naaresto ang rider na nakilalang si Vladimir Catubay.
Nakatakas naman ang gunman.
Ayon kay Villanueva, may natanggap na na death threat ang biktima bago pa naidaos ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023 nitong Oktubre 30.
Kabilang daw sa mga anggulong tinitingnan ng pulisya sa krimen ang away pulitika at posibleng issue tungkol sa pautang.
Outgoing barangay treasurer daw ang biktima at nanalo bilang kagawad ng Barangay 37 sa BSKE.
Tikom naman ang bibig ng rider, ngunit humingi ito ng paumanhin sa pamilya ng biktima.
"Doon po sa pamilya, pasensiya na po," ani Catubay.
Patuloy naman ang paghahanap sa gunman. —KG, GMA Integrated News