Walang mapalad na mananaya na tumama sa Megalotto 6/45 draw nitong Biyernes, November 3, 2023 na halos P100 milyon na ang jackpot prize. Ang iba pang major draw, mahigit P90 milyon naman ang premyo.

Sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), nakasaad na ang lumabas na kombinasyon ng mga numero sa lotto 6/45 ay 14-43-25-32-01-38, na may nakalaang jackpot prize na P99,729,945.40.

Sa Facebook page ng PCSO, nakasaad naman na may 25 mananaya ang nanalo ng 2nd prize na may premyong P32,000.00.

Wala ring tumama sa kasabay nitong draw na Ultra Lotto 6/58, na ang lumabas na mga numero ay 58-37-47-31-10-32, at may nakalaan naman na P94,199,198.80 na premyo.

Dalawa ang tumama ng 2nd prize sa nasabing draw na may premyong P120,000.00.

Samantala, mahigit P90 milyon din ang premyo sa iba pang major draws matapos na wala ring manalo nitong nakaraang mga araw mula nang simulan ng PCSO noong Oktubre 30, 2023 ang P89 milyon na mga premyo bilang bahagi ng kanilang anibersaryo.

Ang Superlotto 6/49, nasa mahigit P93 milyon ang premyo matapos na walang tumama sa draw noong Huwebes, November 2, na ang lumabas na kombinasyon ng mga numero ay 37-30-33-35-05-02.

Wala ring tumama sa kasabay nitong draw nitong Huwebes na Lotto 6/42, na ang lumabas na mga numero ay 29-05-38-01-33-27, at mahigit P94 milyon naman ang jackpot prize.

Noong Miyerkules, November 1, wala ring pinalad na makahula sa lumabas na mga numerong 46-43-06-30-15-01 para sa Grand Lotto 6/55 na mahigit P92 milyon naman ang premyo.-- FRJ, GMA Integrated News