Ilang dadalaw sa sementeryo ang hindi malaman kung saan pupuntahan ang nakalibing nilang kaanak dahil inalis na sa nitso ang mga buto nito matapos mapaso ang renta at hindi na nabayaran.
Kabilang dito si Editha Mirafuentes na nagtirik na lang ng kandila sa common area sa Bagbag Public Cemetery sa Quezon City dahil hindi na niya malaman kung saan nakalagay ang mga buto ng kaniyang anak.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing ang mga nakalibing sa apartment type na nitso sa pampublikong sementeryo ay karaniwang umaabot lang ng limang taon ang upa.
Pagkaraan nito, dapat mailipat na ang mga buto sa panibagong nitso na mas maliit. Pero wala umanong P4,500 na pambayad para rito si Mirafuentes upang mailipat ang kaniyang anak.
Ang mga inalis na mga buto mula sa mga nitso, inilalagay sa isang lugar na tinatawag na "kumon" na natatakpan ng mga yero.
“Masakit din po kasi di mo na alam kung saan nakalagay yung buto niya,” anang ginang.
Hindi na rin malaman ni Marlyn dela Cruz kung saan nakalagay ang mga buto ng kaniyang pamangkin na namatay sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
“Kung saan-saan na lang siya nilalagay na hindi namin makita. 'Di namin alam kung saan dito,” saad ni De la Cruz na nagtirik na rin lang ng kandila sa kumon.
Paliwanag ng pamunuan ng Bagbag cemetery, nakalagay sa sako ang mga inalis na mga buto at kasama ang lapida para makuha ng pamilya kung nais na nilang ilipat.
Ang Philippine Mortuary Association, iminungkahi ang cremation na mas mababa ang gastos.
“May mga option na rin ang mga public LGUs na nagpo-provide ng libre, sometimes at a much more discounted rate," ani Jordan Miranda ng Philippine Mortuary Association. "They don’t need a cemetery eh.” —FRJ, GMA Integrated News