Isang pulis ang "person of interest" sa nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon, ayon sa Police Regional Office (PRO) 4A nitong Huwebes.
Ayon sa pulisya, isang malapit na kaibigan ni Catherine ang nakipag-ugnayan sa kapatid ng beauty queen, at nagbigay ng impormasyon tungkol sa umano'y relasyon ni Catherine sa pulis na POI.
Ang naturang PIO ang sinasabing taong kakatagpuin ni Catherine nang umalis siya at magpaalam sa kaniyang pamilya.
Huling nakita si Catherine sa isang mall sa Lemery sa Batangas noong October 12.
Ayon sa PRO4A, pansamantala nang inalis sa puwesto ang naturang pulis habang isinasagawa ang imbestigasyon. Nasa Regional Personnel Holding and Accounting Unit ang naturang pulis habang hinihintay ang pag-apruba ng Commission on Elections sa gagawing paglipat.
“The removal of the police officer from his position is essential to ensure that the investigation remains free from potential influence and guarantees a fair and thorough examination of the case,” ayon kay PRO 4A Acting Regional Director Brigadier General Paul Kenneth Lucas.
Ang Criminal Investigation and Detection Group 4A ang mag-iimbestiga sa kaso ni Catherine, habang ang Regional Internal Affairs 4A ang magsasagawa naman ng hiwalay na administrative investigation na inirekomenda ng Regional Committee on Missing and Found Persons.
“We understand the concern of the family of Miss Camilon during this challenging time,” ani Lucas. “We request everyone to refrain from speculating or disseminating unverified information. We will keep the media and the public informed as the investigation unfolds, and we will do everything in our power to find answers regarding this incident.”
Si Catherine, isang guro ang naging kinatawan ng bayan ng Tuy, Batangas sa Miss Grand Philippines 2023 pageant. — FRJ, GMA Integrated News