Nakasama ang vlogger na si Rendon Labador sa pagsalakay ng mga awtoridad sa isang online lending company sa Makati City dahil sa pangha-harass umano sa mga kliyenteng hindi nakababayad. Ngunit ang kaniyang pag-livestream, inalmahan ng ilang kaanak ng mga empleyadong nakunan sa video.
Sa ulat ni Nico Waje sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood ang pagsalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), PNP- Anti-Cybercrime Group at Securities and Exchange Commission (SEC) sa naturang gusali sa Salcedo Street.
Ayon kay PAOCC spokesman Winston John Casio, kabilang sa mga mensaheng ipinadadala sa mga hindi nakababayad ng utang ang “Abangan mo na ang riding-in-tandem malapit na sa bahay mo,” “Isusumbong ka na namin sa barangay,” “Pupunta kami sa barangay hall ninyo,” upang mamahiya at manakot.
Sa kaniyang caption sa Facebook live, isinaad ni Labador na nahuli na umano ang mga empleyado ng umano’y ilegal na lending company.
Dahil dito, umalma ang mga kaanak ng mga empleyadong nakunan at napasugod sa gusali.
“Hindi po dapat ganoon ang caption ninyo sa FB na akala mo ‘yung mga tao sa [gusali] is may kasalanan agad,” sabi ng isang nagreklamong kamag-anak.
Naipakita rin ang ilan sa mga mukha ng mga empleyado sa Facebook live ni Labador.
Nagpaliwanag ang PNP-ACG na may collaboration ito kay Labador kaya siya nasa operasyon.
“He is asking for a partnership with me, with us, with ACG na tutulong siya with the advocacy,” paliwanag ni PNP-ACG spokesperson Police Captain Michelle Sabino.
“‘Yung Boses ng Bayan kasi ito ay partnership namin with PNP para sa adbokasiyang maipagtanggol ‘yung mga ordinaryong tao,” sabi ni Labador.
Tungkol sa mga nakitang mukha ng mga empleyado sa Facebook live ni Labador, sinabihan naman ng ACG ang mga empleyado na takpan ang kanilang mga mukha.
“Hindi pa siya sanay sa ganito. It’s a work in progress, I’ll guide kung kailangan,” depensa ni Sabino kay Labador.
“Ita-try ko na maging careful para at least maiwasan ‘yung mga ganito,” sabi ni Labador.
Ayon naman sa PAOCC, patuloy ang imbestigasyon para matukoy ang mga sangkot sa pangha-harass.
“Wala ho tayong inaaresto. Meron being held for questioning. Tinatanong po namin sila kung ano ‘yung partisipasyon nila roon sa alegasyon na binitawan laban sa kumpanyang ito,” sabi ni Casio.
Itinatanggi naman ng mga empleyado na nangha-harass sila ng mga kliyente, at hindi sila ilegal.
Iginiit ng isa sa mga manager na pinapaalalahanan nila ang mga kliyente na may due date at overdue na, at nakarehistro sila sa SEC at itinuturo sa kanila ang memorandum na ibinibigay nito tungkol sa pagha-harass. —VBL, GMA Integrated News